Paghahain ng aplikasyon para sa Bar exams sa Nobyembre, sarado na
Tapos na ang panahon ng paghahain ng aplikasyon para sa Bar examinations sa Nobyembre.
Ang aplikasyon para sa kauna-unahang digitalized Bar exams ay ginawa sa pamamagitan ng online portal na Bar Personal Login Unified System (Bar PLUS).
Ayon sa Bar Bulletin na inisyu ni Bar Chairperson at Justice Marvic Leonen, ang susunod na hakbang para sa mga fully-registered ay ang pagpili ng exam venue sa pamamagitan ng Bar PLUS.
Muling sinabi ni Leonen na ang mga mula sa malalayong lugar ang ipaprayoridad sa venue-matching.
Inabisuhan naman ang mga aplikante na hintayin ang registration email na naglalaman ng instruction kung papaano i-install at gagamitin ang exam delivery program para sa Bar exams.
Samantala, binibigyan hanggang Setyembre 24 ang mga bar applicants na hindi pa fully-registered para kumpletuhin ang kanilang registration.
Ang mga ito ay ang mga aplikante na magbabayad pa lang ng bar fees o ang paid applicants na hindi pa nagri-reflect ang bayad sa kanilang account; ang mga partially completed pa lang ang aplikasyon; at ang mga aplikante na hindi maisumite ang aplikasyon bunsod ng technical issues.
Ang Bar exams sa Nobyembre ay ang kauna-unahang localized, digitalized at proctored bar exams na isasagawa sa bansa.
Moira Encina