Paghahambing sa Noon at Ngayon
Hello guys, huwag kalimutan ang tsaa kahit anong klase ay mahusay panglinis ng internal organs.
Subukan ang usbong o murang dahon ng mangga na pakukuluan sa katamtamang apoy.
Dahil maasim ang mangga kaya isa isa best source ng Vitamin C.
Ito ang tsaa natin habang nagkukwentuhan.
Sa isipan ng mapag obserbang tao ay palaging may paghahambing sa kanya sa kahapon at sa ngayon.
Tulad ng napakagandang pamumuhay noon.
Praktikal sila noon at sentido komon (common sense) ang ginagamit.
Halimbawa, ang basura sa araw-araw ay sinusunog sa siga ng mga tuyong dahon o anomang bagay na maaaring sunugin.
Pangtaboy pa daw sa mga insekto, mga lamok sa punong-kahoy o halaman sa kapaligiran nila.
Katumbas ng fumigation ngayon.
Sa pangliligaw, ang binatang taring (tunay na binata walang asawa) bago lumigaw ay magpapaalam muna sa magulang ng dalaga na gusto niyang ligawan ang kanilang anak.
Kung aprubado sa magulang, kinabukasan babalik ang binata sa tahanan ng dalaga para umpisahan ang panunuyo.
Magsisibak ng kahoy para pang gatong, mangingigib ng tubig mula sa balon o kaya ay magbobomba ng tubig sa poso (gripo ngayon) habang naglalaba ang dalaga o nanay.
Sa gabi kapag pormal na ang kanyang pagliligaw, sa upuan ay magkatapat at hindi magkalapit.
Sa ngayon ang ligawan ay sa mga kainan (restaurant), sa pasyalan, o sa kalsada habang naglalakad silang dalawa.
Noon ay taon ang tagal bago sagutin ng dalaga ang nangliligaw na binata.
Ngayon ay magugulat na lang ang magulang na may nobyo na pala ang kanyang anak.
Magtataka pa magulang paano at saan sila nagkakilala.
Noon kapag nangahas ang binata na hawakan ang kamay ng dalaga ay katumbas ng nayurakan mo ang kanyang dangal.
Naku! lagot ka..patay kang bata! (uso o bukang-bibig na salita noon 1960s sa Nueva Ecija).
Tatawag ng Huwes ang tatay niya at papakasalan mo siya sa bahay na din ng dalaga na may sundang o itak kang natatanaw.
Sa bahay lamang nanganganak ang buntis, hilot ang kaniyang doktor at hindi midwife.
Ang kaugaliang pagkain pagkapanganak ay mainit na tinolang manok.
Hindi lalabas ng bahay o kwarto ng sampung araw o higit pa… baka daw masumpit (mapasok ng hangin ) ang pwerta ng babae dahil bukas pa yon sa pinaglabasan ng bata.
Sampung araw bago siya maligo at alaga pa ng hilot ang nanganak.
Hinihilot pa rin para maibalik sa ayos ang kanyang matres o bahay-bata.
Ngayon, pagkapanganak sa ospital, kinabukasan ay pinapauwi na at walang pagbabawal na sinasabi.
Ngayon kung makipag usap ang mga anak sa magulang ay palagay niya kapatid na nakababata ang kausap niya.
Wala na ang Po at Opo.
Ang sakit sa teynga.
Napakahirap sakanila ang paggalang sa ngayon.
Mababang kalooban ang mga tao noon.
Ang matatas na pinagaralan, ang pinansyal na kalagayan ay hindi nabago ang magandang kaugaliang itinuro ng magulang, lalo sa pakikipag kapwa tao at pagtrato sa mga nasa ibaba nila.
Ang pandesal at mga tinapay ay sa pugon (lutuang de kahoy) Wala pang de-kuryenteng kalan tulad ngayon.
Kung maibabalik nga lang ang kahapon sa ngayon ay anong ganda sana ng ating kapaligiran.