Paghahanap sa nawawalang US ski mountaineer sa Nepal ipinagpatuloy
Ipinagpatuloy ng rescuers lulan ng helicopter ang paghahanap sa US ski mountaineer na si Hilaree Nelson, na nawala sa mga dalisdis o slopes ng Manaslu peak sa Nepal.
Si Nelson ay nadulas at nawala habang nag-i-ski pababa sa ikawalong pinakamataas na bundok sa mundo, makaraan ang matagumpay na pag-akyat dito kasama ang kaniyang partner na si Jim Morrison noong Lunes.
Sinabi ni Jiban Ghimire ng Shangri-La Nepal Trek na siyang nag-organisa sa ekspedisyon, “Jim and others have left for an aerial search to find her. It is difficult to land or take off in the area.”
Noong Lunes ay hindi nagawang makalipad ng mga helicopter at hindi rin nagtagumpay ang paghahanap nitong Martes.
Ang 49 na taong gulang na si Nelson, ay mayroon nang dalawang dekadang climbing career at siya ay inilalarawan bilang “most prolific ski mountaineer of her generation” sa website ng The North Face, na kaniyang sponsor.
Isang dekada na ang nakalilipas, siya ang naging kauna-unahang babae na naakyat kapwa ang summit ng pinakamataas na bundok sa mundo, ang Everest at ang katabi nitong Lhotse peak sa loob lang ng 24 na oras.
Noong 2018, bumalik siya sa Lhotse at ginawa ang una niyang ski pababa ng bundok, na naging daan para gawaran siya ng National Geographic Adventurer of the Year award.
Sa kaniyang Instagram post noong isang linggo, sinabi ni Nelson na ang huli niyang pag-akyat ay naging matinding hamon dahil sa walang humpay na pag-ulan at delikadong kondisyon.
Aniya, “I haven’t felt as sure-footed on Manaslu as I have on past adventure into the thin atmosphere of the high Himalaya. These past weeks have tested my resilience in new ways.”
Ang patuloy na pag-ulan at pagbagsak ng niyebe ay naging hamon para sa 404 na paying climbers na nagtatangkang marating ang summit ng Manaslu ngayong taon.
Nang araw na mangyari ang aksidente ni Nelson, tinamaan ng avalanche o pagguho ng yelo ang pagitan ng Camps 3 at 4 sa 8,163-metrong (26,781-talampakang) bundok, na ikinasawi ng isang Nepali climber at dose-dosenang iba pa ang nasaktan na kalaunan ay nailigtas naman.
Ang pagkamatay ang unang kumpirmadong casualty sa autumn climbing season sa Nepal.
Ang Nepal ay tahanan ng walo sa 14 na highest peaks sa mundo at ang mga dayuhang climbers na dumaragsa sa kanilang mga bundok ang malaking pinagkukunan ng kita para sa bansa.
Ang industriya ay halos tuluyan nang nagsara dahil sa coronavirus pandemic noong 2020, ngunit muli itong binuksan ng bansa sa mountaineers noong nakaraang taon.
© Agence France-Presse