Paghamon sa hurisdiksyon ng ICC, isa sa mga opsyon ng OSG sa planong pagpapatuloy ng imbestigasyon sa drug war
Kukonsultahin ng Office of the Solicitor General (OSG) ang Malacañang at iba pang kagawaran kaugnay sa magiging hakbang ng bansa ukol sa plano ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang imbestigasyon sa drug war killings sa Pilipinas.
Pero isa sa mga opsyon na ikinukonsidera ng OSG ay ang hamunin ang hurisdiksyon ng ICC sa bansa.
Ito ang inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra kaugnay sa imbitasyon ng ICC judges sa gobyerno ng Pilipinas na magkomento sa hiling ng ICC prosecutor na ituloy ang anti- drugs campaign probe.
Binigyan ng ICC ang Pilipinas ng hanggang Setyembre 8 para magsumite ng komento.
Ayon pa kay Guevarra, isa pa sa mga opsyon ng OSG ay panatilihin na bukas ang linya ng komunikasyon ng Pilipinas sa ICC.
Gayunman, magpapasya ang OSG sa pinal na tugon nito pagkatapos na makausap ang Office of the President, Department of Foreign Affairs, Department of Justice, at mga international law experts.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi na miyembro ang Pilipinas ng ICC.
Moira Encina