Paghananap sa lalaking inanod ng flash flood sa South Cotabato, ipinagpatuloy ng MDRRMO
Ipinagpatuloy ngayong araw ang search and retrieval operations para sa 55-anyos na lalaking inanod ng rumaragsang tubig sa Purok Paraiso, Barangay San Miguel, Norala, South Cotabato sanhi ng bagyong Dante.
Ang lalaking nakilalang si Prudencio Moreno ay iniulat na nawala kahapon kasama ang 14-anyos na anak nitong babae na si Divine Grace matapos anurin ng flash floods.
Ang mag-ama ay inanod ng rumaragasang baha habang nagbabantay ng kanilang mga alagang wild ducks.
Kahapon, narekober na ang bangkay ni Divine Grace sa Purok Lambunao.
Ang operasyon ay pinangungunahan ng Search and Rescue team ng MDRRMO-Norala, Surallah, Sto. Niño at South Cotabato kasama ang PNP at BFP.
Sinabi naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., na nagpapatuloy pa ang kanilang assessment sa mga lugar na naapektuhan ng landslides at maitnding pagbaha sa lalawigan dulot ng malalakas na pag-ulang dala ng bagyong Dante.
Kahapon, ilang mga residente rin ng Sitio Santa Clara,Brgy Matapol, Norala, South Cotabato ang sapilitang inilikas dahil sa matinding pagbaha.