Pagiging valid ng isinagawang Midterm elections, kinuwestyon ng grupong Mata sa Balota matapos makitaan ng mga paglabag sa batas ang Comelec
Kwestyonable para sa grupong Mata sa Balota kung valid ang isinagawang eleksyon noong Lunes.
Ayon kay Dr. Mike Aragon ng Mata sa Balota, muli na namang naranasan at nasaksihan ng publiko ang mga palyadong Vote Counting Machines (VCMs), pag-malfunction ng mga SD cards at iba pa na mas lumala pa nga ngayong halalan.
Giit ni Aragon lahat ng mga ito ay paulit-ulit na nangyayari dahil hindi nasusunod ng Comelec at Smartmatic ang mga probisyong nakasaad sa Automated Election System Law.
Isa aniya sa mga paglabag ng Comelec ay ang hindi pag-iimplementa ng Technical Evaluation Committee Certificate (TECC).
Dito sa sertipikong ito malalaman kung nasuri at na-test mabuti ng mga kinauukulang ahensya ang mga gagamiting makina.
Nauna nang inamin ng Comelec Chairman Sheriff Abas na mas maraming VCMs ay SD card ang pumalpak ngayong Midterm elections.
Pero ang pagpalpak aniya ng mga makina, SD cards at iba pang paraphernalia ayon kay Abas ay dahil umano sa kalidad ng mga ito.
“Under the law, dapat 6 months before, meron na dapat hawak ang Comelec ng certification coming from the Evaluations committee saying that all your systems, your engines, your machines, your SD cards o whatever na sinasabi na problema, nasuri na agad. Therefore we will sign the certification for you as a go signal for you to conduct the election 3 months from now. Eh hindi po nasunod yan kaya ito ay violation of the law. We have the law that conducts the election. If you violate the law, ang kwestyon namin valid ba o hindi yung election na ginawa nyo”. – Mike Aragon, Mata sa Balota
Kaugnay nito, nakatakdang magsampa ng reklamo ang Mata sa Balota laban sa mga Comelec personnel upang maiwasan nang mangyari ulit ang mga aberyang ito.