Pagkakaantala ng pagdating ng anti-Covid-19 vaccine mula Covax facility ng WHO, hindi makaaapekto sa Vaccination rollout ng Gobyerno
Naniniwala si National Task Force o NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na minimal lamang ang epekto sa rollout ng Vaccination program ng pamahalaan sa pagkakaantala ng pagdating ng anti COVID 19 vaccine na mula sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
Sinabi ni Galvez na ang bakuna na manggagaling sa COVAX Facility ng WHO ay maituturing na bonus sa vaccination program ng Pilipinas.
Ayon kay Galvez batay sa master plan na inilatag ng NTF ang opisyal na pagsisimula ng pagbabakuna sa bansa ay sa second quarter hanggang third quarter ng taon alinsunod sa delivery schedule na na napagkasunduan sa mga kompanya ng bakuna.
Inihayag ni Galvez ang pagkakaantala ng delivery ng Pfizer Biontech anti COVID 19 vaccine ng COVAX Facility ay may kinalaman sa pagkakabinbin din ng pagpapatibay ng kongreso sa Indemnification Law para sa kapakanan ng mga makakaranas ng adverse o side effect ng bakuna.
Umaasa pa rin si Galvez na bago matapos ang buwan ng Pebrero ay maihahabol parin ang 117,000 doses ng Pfizer anti COVID 19 vaccine na mula sa COVAX Facility ng WHO na gagamitin sa mga medical frontliners.
Vic Somintac