Pagkakaroon ng Habagat episode, malaki ang maitutulong sa pag-angat ng tubig sa mga water reservoir
Umaasa ang Pag-Asa weather bureau na magdudulot ng malalakas na pag-ulan o magpalakas ng Habagat ang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa panayam ng programang Usapang Pagbabago kay Pag-asa Senior weather specialist Chris Perez, napalaki ang maitutulong kung magkakaroon ng malalakas na bagyo o Habagat episode ang bansa lalu na ngayong dumaranas tayo ng weak El Niño.
Bagamat weak ang El Niño, nagdudulot ito ng pagka-delay at madalang na pag-ulan na nagiging sanhi naman ng pagkatuyo o pagkababa ng water level sa ating mga reservoir.
Hindi pa rin kasi sapat ang mga localized thunderstorms o mga panandaliang ulan na sumasapit tuwing dakong hapon o gabi para madagdagan ang tubig sa mga dam.
Payo ni Perez sa publiko dahil may weak el nino ay magtipid- tipid muna sa paggamit ng tubig para nasustenihan ang araw-araw na gawain.
“Napakalaking bagay at malaki ang maitutulong kung magkakaroon tayo ng Habagat episode. Bagaman nakakaranas tayo ng manaka-nakang pag-ulan nitong mga nagdaang araw including yesterday ay hindi ito sapat para madagdagan ang water level ng mga water reservoir. Ang kailangan ay matagalang pag-ulan o Habagat episode.”