Pagkalat ng UK variant ng COVID-19 sa bansa kontrolado pa rin – Malacañang
Naniniwala ang Malakanyang na hindi na kakalat pa ang United Kingdom o UK variant ng COVID 19 na nakapasok sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na batay sa ulat ng Department of Health o DOH gumaling na ang dalawamput dalawa sa dalawampu’t limang tinamaan ng UK variant ng COVID-19 sa Bontoc, Mountain Province at isa ang namatay.
Ayon kay Roque dahil sa maagap na contact tracing na ginawa ng DOH katulong ang local officials, agad na nakontrol ang pagkalat ng UK variant ng COVID-19 .
Inihayag ni Roque kung mapapanatiling kontrolado ang UK variant ng COVID-19 sa bansa ay hindi magkakaroon ng problema ang isasagawang anti-Covid mass vaccination program ng pamahalaan.
Aminado si Roque na kailangang bilisan ng Pilipinas ang rollout ng nasabing bakuna dahil sa pagkakaroon ng mutation o new variant ng COVID-19 na maaaring makaapekto sa bisa ng bakuna.
Batay sa report, itinigil ng South Africa ang paggamit ng AstraZeneca anti COVID-19 vaccine dahil sinasabing hindi umano nito kayang labanan ang new variant ng corona virus.
Vic Somintac