Pagkamatay ng 14 na magsasaka sa counter-insurgency ng PNP-Negros Oriental, pinaiimbestigahan sa Kamara

Naghain na ng resolusyon sa Kamara ang Makabayan bloc para paiimbestigahan ang pagkakapatay sa 14 na magsasaka mula sa tatlong magkakahiwalay na lugar sa Negros Oriental bilang bahagi ng counter-insurgency operations ng PNP.

Sa House Resolution na inihain ng Makabayan Bloc, partikular na inaatasan ang House Committee on Human Rights na imbestigahan ang anila’y karumal-dumal na pagpatay umano sa mga magsasaka sa Canlaon city, Manjuyod at Santa Catalina noong March 30.

Karamihan anila sa mga biktima na iniuugnay sa New People’s Army ay mga miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, National Federation of Sugar Workers at iba pang aktibong organisasyon.

Paliwanag ng Makabayan, resulta ito ng inilabas na Memorandum Order Number 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos sa AFP at PNP na i-operate at hulihin ang mga pinaghihinalaang rebelde, aktibista at maging mga miyembro umano ng party-list groups.

Sinasabing sapilitan umanong pinasok ng PNP-Special Action Force ang tahanan ng mga biktima bilang bahagi ng “Oplan Sauron” na nakapaloob sa memorandum order.

Kasabay nito ay pinababasura ng mga kongresista ang “Oplan Sauron” na ginagamit umano para sa political persecution mula pa noong nakaraang taon.

Ulat ni Madz Moratillo


Philippine Congress
Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *