Pagkamatay ng isang teenager sa police ops sa Biñan Laguna , pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang pagkamatay ng isang teenager sa isang police operations sa Biñan Laguna.
Naghain na si Hontiveros ng Senate Resolution No. 776 para hilingin na busisiin ang pagkamatay ng 16-taong gulang na si Johndy Maglinte at kanyang kasama na si Antonio Dalit sa umano’y shootout.
Ang pagkamatay aniya ng isa pang menor de edad sa war on drugs ay malinaw na mayroong operational lapses sa panig ng mga otoridad.
Hindi aniya ito ang unang pagkakataon na pinatay ang isang menor de edad dahil sa palpak na operasyon ng pulisya.
Nauna nang sinabi ng pamilya ni Maglinte na nakaposas at nakadapa ang binatilyo nang barilin ng mga opisyal ng pulisya pero ayon sa PNP nanlaban umano ito habang sinisilbihan ng warrant of arrest.
Nakakabahala ayon sa senador na chairman ng Committee on Women, Children, Family Relations dahil hindi bababa sa 122 mga bata – kasama ang isang taong gulang – ang napatay sa anti-drug operations at vigilante-style killings mula 2016 batay na rin ito sa datos ng World Organization against Torture.
Meanne Corvera