Pagkatapos ng China, Russia sinuspinde na rin ang pag-angkat ng seafoods na galing sa Japan
Sumunod na rin ang Russia sa ka-alyado nitong China at sinuspinde na ang pag-aangkat ng Japanese seafood, kaugnay ng pagpapakawala ng Tokyo ng wastewater mula sa Fukushima nuclear plant.
Mahigpit na binabatikos ng Japan ang ginawang pagsalakay ng Russia sa Ukraine, habang ang relasyon nito sa China na lumalim pa ang ugnayan sa Moscow, ay lalo pang pumapangit.
Ayon sa Rosselkhoznadzor, responsable sa pagregulate ng agriculture products sa Russia, “We are joining China’s provisional restrictive measures on the import of fish and seafood products from Japan as of October 16, 2023 as a precautionary measure.”
Sinabi pa nito, “The restrictions would remain in place ‘until the necessary exhaustive information to confirm the safety of seafood produce’ is forthcoming.”
Hindi pa nagbibigay ng komento ang gobyerno ng Japan sa hakbang ng Russia, na una nang tinawag na “political at unscientific” ang ipinatupad na ban ng China.
Noong 2011, tatlong reactors sa Fukushima-Daiichi nuclear facility sa northeastern Japan ang nag-meltdown kasunod ng isang malaking lindol at tsunami na ikinasawi ng 18,000 katao.
Makalipas ang labingdalawang taon, nitong Agosto ay sinimulan na ng Japan na magpakawala ng ‘treated contaminated water’ mula sa planta patungo sa Pacific Ocean.
Bilang tugon, ay ipinagbawal ng China ang lahat ng Japanese seafood imports dahil sa anila’y “makasarili” at “iresponsableng” pagpapakawala ng tubig, at inakusahan ang Japan na tinatratong “imburnal” ang dagat.
Iginiit ng Japan na ligtas ang kanilang operasyon, na sinuportahan ng International Atomic Energy Agency.
Isang grupo naman mula sa United Nations nuclear watchdog na kinabibilangan ng isang Chinese scientist, ang nakatakdang kumuha ng sample ng tubig at isda malapit sa planta sa linggong ito.
Sinabi ng Beijing na hindi pa napatunayan ng Tokyo ang pagiging tunay at ang katumpakan ng nuclear wastewater data, o kung ang paglabas ng tubig sa karagatan ay hindi makapipinsala sa marine environment at kalusugan ng tao.
Bago ang ban, ang China ang pinakamalaking merkado ng isda ng Japan, kung saan umabot sa mahigit $500 milyon ang halaga ng exports noong 2022.
Nangako naman ang Japanese government ng karagdagang ayuda para sa sektor ng pangisdaan, habang tinatarget na mapalakas ang kanilang export sa Europe at iba pang lugar.
Hindi naman gasinong mahalaga ang Russia para sa Japan, kung saan umabot lamang sa humigt-kumulang 260 million yen ($1.7 million) ang halaga ng kanilang marine product exports noong 2022.
Mas marami pa nga ang seafood (na nagkakahalaga ng 155 billion) ang nagmula sa Russia patungong Japan.
Ngunit ang suspensyon ay may “symbolical importance” dahil ang China at Russia ay naging mas malapit ang ugnayan sa panahon ng digmaan sa Ukraine.
Siniguro naman ng malapit na ka-alyado ng Japan, ang Estados Unidos, ang suporta sa Tokyo, kung saan sa harap ng publiko ay kumain ng isda na nanggaling sa Fukushima area ang US ambassador to Japan.
Nagpatupad din ng ban ang Japan sa pag-aangkat ng Russian lumber at vodka makaraan nitong salakayin ang Ukraine ngunit hindi kasama rito ang marine products.
Sa pangkalahatan, intensiyon ng Tokyo na magpakawala ng humigit-kumulang “540 Olympic swimming pools’ worth of water” o nasa 1.3 million cubic metres (345,000 gallons) mula sa Fukushima sa pamamagitan ng graduwal na proseso na tatagal ng mga dekada.
Ang tubig ay sumailalim sa treatment upang alisin ang radioactive substances, maliban sa tritium at hinaluan ng tubigdagat.
Sinabi ng Japan na ang mga antas ng tritium ay nasa loob ng mga ligtas na limitasyon at mas mababa kaysa sa inilabas ng mga istasyon ng nuclear power sa kanilang normal na operasyon, kabilang ang sa China.
Ang pagpapakawala ng tubig ay naglalayong gumawa ng espasyo upang masimulan na ang pag-aalis ng lubhang mapanganib na radioactive fuel at mga durog na bato mula sa mga nasirang reactor.