Pagkontra ng DOJ sa mosyon ni De Lima na makapagrecord ng campaign materials, trabaho lang– Guevarra
Nanindigan ang Department of Justice na ginagampanan lang ng mga piskal nito ang kanilang trabaho sa ginawang pagtutol sa hirit ni Sen. Leila de Lima na makapag-shoot ng campaign materials para sa kanyang kandidatura.
Ito ay sa harap ng pagbatikos ni De Lima sa DOJ matapos na harangin ang mosyon nito na mag-record ng campaign videos.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tinupad “professionally” ng DOJ prosecutors ang kanilang gampanin at nang walang pag-alintana sa katayuan ng akusado.
Gayunman, sinabi ng kalihim na ipauubaya ng DOJ sa korte ang pagpapasya sa isyu.
Tiwala si Guevarra na ipatutupad nang patas at pare-pareho ng hukuman ang mga umiiral na patakaran para sa mga persons under detention.
Ganito rin ang inihayag ni Prosecutor General Benedicto Malcontento.
Sinabi ni Malcontento na igagalang nila ang magiging desisyon ng korte.
Pero, iginiit ng opisyal na parte ng “routine job” ng mga piskal ang naging aksyon nito.
Una nang kinontra ng DOJ sa Muntinlupa RTC ang mosyon ni De Lima na
payagan ito na mag-photoshoot at mag-record ng video sa loob ng kanyang piitan na gagamitin bilang campaign materials nito sa 2022 elections.
Ayon sa DOJ, nahaharap sa illegal drugs case si De Lima na rason para hindi payagan ang hirit nito.
Katwiran pa ng mga piskal, hindi dapat bigyan ng special treatment si De Lima kahit ito pa ay senador.
Moira Encina