Pagkulong ng Kamara kina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz, kinuwestiyon sa SC
Dumulog sa Korte Suprema ang pamilya nina dating NTF- ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy at dating kadre ng NPA na si Jeffrey Celiz para kuwestiyunin ang pagditene sa kanila ng Kamara.
Sa petition for habeas corpus at certiorari na inihain ng kampo ng dalawa, iginiit ng abogado nila na si Harry Roque na iligal ang pagkulong kina Badoy at Celiz at labag ito sa kalayaan sa pamamahayag.
Hiiniling din ng petitioners sa Supreme Court na ipagutos sa Kamara na palayain sina Badoy at Celiz.
Isang linggo nang nakakulong sa Kamara sina Badoy at Celiz matapos na patawan ng contempt nang tumanggi na pangalanan ang source nila ng sinasabing P1.8 billion pesos na travel expenses ni House Speaker Martin Romualdez.
Ipinunto ni Roque ang nakasaad sa Sotto Law na hindi puwedeng pilitin ang mga mamamahayag na isiwalat ang kanilang sources.
Iginiit nina Roque na may grave abuse of discretion sa panig ng Kamara at nalabag ang due process ng kaniyang mga kliyente.
Moira Encina