Paglabas-masok ni Jad Dera sa NBI detention facility, aprubado ng supervisor
Humarap sa pagdinig ng Senado ang drug suspect na si Jose Adrian “Jad” Dera.
Ipinatawag ng Senado si Dera sa pagdinig ng Senate Committee on Justice dahil sa nabistong paglabas-masok nito sa detention facility ng National Bureau of Investigation kahit walang court order.
Sa kaniyang testimonya, kinumpirma ni Dera na apat na beses na siyang nakalabas ng NBI kasama ang ilang mga jail guards nito.
Sa apat na pagkakataong nakalabas siya ng detention cell, dalawa rito ang pagbisita niya sa ospital at isa lamang ang may court order kasabay ng pagtanggi na nagbabayad ito para makalabas ng piitan.
Pangatlo nyang paglabas ay noong Father’s Day nitong june at ang huli ay nang kumain siya sa Makati at nakipag-date kung saan siya nahuli ng mga otoridad.
Inamin naman ni dera na mistulang nakipag joyride pa sya sa mga taga-NBI nang sumama siyang maghatid ng detainee sa Tagaytay.
Pagkatapos maghatid ng detainee kumain pa raw sila ng bulalo sa isang restaurant sa Tagaytay.
Sa tanong ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kung paano siya nakakalabas, sinabi ni Dera na nagpapa-alam siya sa supervisor.
Ayon kay NBI Director Medardo de Lemos, wala siyang alam sa paglabas ni Dera maliban na lamang nitong huli nang sya ay maaktuhan at maaresto.
Si Dera ay apat na taon nang nakakulong sa NBI matapos kasuhan at akusahang bagman ni dating Senador Leila de Lima.
“Yung paglalabas-labas nung apat na beses hindi po namin nai-charge yun pero yung nahuli siya sa akto that very same day, they were charge for bribery, corruption,” paliwanag pa ng NBI chief.
Meanne Corvera