Paglago ng ekonomiya ng bansa sa 2nd quarter sa gitna ng pandemya , ikinatuwa ng Malakanyang
Ikinagalak ng Malakanyang ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa second quarter sa gitna ng pandemya ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang pagsulong ng ekonomiya sa gitna ng pandemya ay bunga ng balanseng pagpapatupad ng pamahalaan ng mga community quarantine na hindi tuluyang isinasara ang mga negosyo.
Ayon kay Roque,natuto na ang economic team ng pamahalaan sa pamamagitan ng ingat buhay para sa hanap buhay kung saan mahigpit na ipinatutupad ang minimum health standard na mask, hugas, iwas at bakuna.
Batay sa report na inilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA lumago ang Gross Domestic Product o GDP ng bansa ng 11.8 percent mula buwan ng Abril hanggang Hunyo kumpara sa kaparehong panahon noong 2020 na nasa negative 17 percent dahil sa ipinatupad na lockdown dulot ng paglaganap ng pandemya ng COVID 19.
Inihayag ng PSA na pinakamataas ang GDP growth sa accomodations at food services ganun din sa manufacturing, construction, wholesale at retail trade sa kabila ng mga ipinatutupad na community quarantine.
Hindi naman nagbigay ng pahayag si Roque kung ano ang inaasahan ng Malakanyang na magiging epekto ng panibagong pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region o NCR ngayong 3rd quarter dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.