Paglalabas ng LTFRB ng 100k prangkisa sa TNVS, kinontra ng isang transport group
Kinontra ng grupong Laban TNVS ang plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglabas ng 100,000 prangkisa para sa Transportation Network Vehicle Service (TNVS).
Sa panayam ng TV/Radyo program ng NET25 na Ano sa Palagay Nyo (ASPN), sinabi ni Laban TNVS President Jun de Leon na dapat pag-aralang mabuti ng LTFRB ang nasabing plano.
Sa halip kasi na makatulong para sa pagbibigay ng hanapbuhay, magreresulta aniya sa iba’t ibang problema ang hakbang na dagdagan ang mga sasakyang bibiyahe na TNVS.
Sinabi ni de Leon na magreresulta din ito sa matinding traffic lalo’t tapos na ang bakasyon at balik na rin ang lahat ng motorista sa Metro Manila.
Nangangamba din si de Leon na baka mapagsamantalahan lamang ng malalaking Transport Network Company (TNC) ang hakbang na ito ng LTFRB.
Sa kautusan, nasa 63,000 units lamang ang limit na prangkisa para sa TNVS Hinikayat din ni de Leon ang LTFRB na magsagawa ng kaukulang konsultasyon sa kanilang plano.
Weng dela Fuente