Paglalagay ng community pantry sa panahon ng ECQ, dapat iugnay sa LGU’s – Malakanyang
Pinayuhan ng Malakanyang ang mga maglalagay ng community pantry ngayong umiiral na ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region o NCR na makipag-ugnayan muna sa mga local government units o LGU’S.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Roque na kailangang coordinated sa LGU’s ang paglalagay ng mga community pantry upang maisaayos ang sistema at maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Ayon kay Roque, naging karanasan na noong magkaroon ng community pantry na dinudumog ito ng tao at hindi na nasusunod ang social distancing na bahagi ng ipinatutupad na minimum standard health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID -19.
Inihayag ni Roque na pangunahing dahilan ng pagsasailalim sa NCR sa ECQ sa ikatlong pagkakataon ay para makontrol ang paglaganap ng Delta variant ng COVID-19.
Ang community pantry ay bahagi ng bayanihan o pagtutulungan ng publiko sa panahon ng krisis para magkaroon ng sapat na supply ng pagkain na hindi na iniaasa pa sa gobyerno.
Vic Somintac