Paglalagay ng mga boya ng China Coast Guard sa bahagi ng Scarborough shoal, kinondena
Mariing kinondena ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang paglalagay ng mga boya o floating barrier ng China coast guard sa timog-silangang bahagi ng Bajo de Masinloc o Scarborough shoal.
Ito ay upang pigilan ang mga Pilipinong mangingisda na makapasok sa bahaging iyon ng karagatan.
Ang mga boyang inilagay ay may haba at lawak na 300 meters at nadiskubre ng mga tauhan ng PCG at BFAR habang nagsasagawa ng maritime patrol sa lugar.
Maliban sa boya naglagay din ng mga net sa ilalim nito upang matiyak na hindi makapangingisda doon ang ating mga kababayan.
Ayon sa ilang Pinoy fishermen, karaniwang inilalagay ng Chinese maritime militia ang mga floating barrier kapag may nakikita silang malaking bilang ng mga mangingisdang Pinoy sa lugar.
Tiniyak naman ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa concerned agencies upang masiguro ang kaligtasan at karapatan ng mga Pilipinong mangingisda at maresolba ang kinakaharap na panibagong hamong ito.