Paglikha ng Department of water resources management,pinamamadali sa Kamara
Dapat apurahin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang paglikha sa Department of Water Resources Management o DWRM na pinaniniwalaang makatutulong para maiwasan ang tinatayang $124 billion dollars na pinsala o pagkalugi ng Pilipinas sa susunod na mga taon.
Ayon kay Congressman Wilbert Lee ng Agri Partylist malaki ang mawawala sa Pilipinas dahil sa water-related risks gaya ng paghagupit ng mga malalakas na bagyo, matinding pagbaha at mahabang panahon ng tagtuyot.
Sinabi ni Lee ang pinsala o pagkalugi ay katumbas ng 0.7 percent na average annual gross domestic product o GDP loss dahil batay sa report ng Asian Disaster Reduction Center nasa average na dalawampung mga bagyo ang tumatama sa bansa kada taon.
Inihayag ni Lee sa ngayon 32 government agencies ang namamahala sa water resources ng bansa pero sa kabila nito mababa ang ranggo ng Pilipinas sa water governance ranking ng Asian Development Bank.
Sa House Bill No 2880 ni Lee ang itatatag na DWRM ang magiging responsable sa pag-develop at pagpapatupad ng comprehensive water usage and conservation program ng bansa kabilang dito ang management ng water resources tulad ng irrigation, sewage and sanitation.
Vic Somintac