Paglilinis ni Mayor Isko Moreno sa Maynila, isang magandang halimbawa para sa ikatatagumpay ng clearing operations sa buong bansa- MMDA
Tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga bagong halal na opisyal ng lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng clearing operations sa mga kalsada sa Metro Manila.
Ilan dito ay ang problema pa rin sa illegal parking, illegal vendors at obstruction.
Sa panayam ng programang Isyu ng Sambayanan sa Radyo Agila, sinabi ni MMDA Special Operations Task Force chief Bong Nebrija na handa silang magbigay ng manpower o mga kagamitan para sa ikaaayos ng kani-kanilang mga lugar.
Inihalimbawa ni Nebrija ang ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno na nilinis ang Divisoria at Recto mula sa mga street vendors sa unang linggo pa lamang ng panunungkulan nito.
Aniya, kayang-kaya naman itong gawin at tularan ng iba pang lokal na pamahalaan sa tulong ng mga pulis at mga barangay.
“Posible, kayang gawin….ang nagpapasimuno ngayon ng paglilinis ay ang Local Government. Yan ang magandang tandem na dapat gawin, ang local government at ang pulis ang magsama para maglinis nyan”.