Paglilitis ng Makati court sa kasong rebelyon ni Senador Trillanes, ipinagpaliban sa Mayo 27
Itinakda ng Makati City Regional Trial Court sa Mayo 27 ang pagpapatuloy ng paglilitis sa kasong rebelyon laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Hindi natuloy nitong Miyerkules ng umaga ang pagdinig dahil sa hindi makakaharap ng personal ang abogado ni Trillanes na si Reynaldo Robles bunsod ng paglilitis sa kaso ng Bilibid drug trade na kailangan nitong daluhan.
Una nang naghain ang mosyon si Robles sa Makati RTC Branch 150 na ipagpaliban sa Abril 25 ang hearing dahil kailangan niyang humarap sa New Bilibid Prison court room bilang abogado ni dating Bureau of Correction Director Franklin Bucayu.
Pinagbigyan ni Branch 150 Judge Elmo Alameda ang mosyon dahil kumbinsido ito na hindi naman layunin ng depensa na i-delay ang pag-usad ng kaso.
Pero sa halip na sa April 25 gaya ng nakalagay sa mosyon, inilipat ang pagdinig sa May 27 sa ganap na alas 2:00 ng hapon.