Paglipat ng NDRRMC sa kontrol ng Office of the President suportado ng liderato ng Kamara
Suportado ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ilipat ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC mula sa Department of National Defense o DND tungo sa Office of the President o OP.
Ito’y matapos i-anunsiyo ni Pangulong Marcos Jr., ang planong paglilipat sa NDRRMC sa OP sa pagbisita sa Tacloban City para sa paggunita ng ika-9 na anibersaryo ng pananalasa ng Supertyphoon Yolanda.
Ayon kay Romualdez kapag natuloy ang naturang paglipat sa NDRRMC ay magkakaroon ng direct hand ang presidente sa pamamahala sa pagtugon ng gobyerno sa mga kalamidad at mga epekto o problemang dulot ng climate change.
Sinabi ni Romualdez gaya ng maraming bansa ay kailangang maging handa ang Pilipinas sa anumang kalamidad, kaya mabuting ma-streamline ang disaster response upang mabilis ang pagtugon ng gobyerno.
Matatandaang ang Kongreso ang bumuo ng NDRRMC sa ilalim ng Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Vic Somintac