Paglitis sa kaso laban sa Shabu Tiangge operator na si Imam Boratong, iniutos ng Court of appeals
Ipinagutos ng Court of Appeals o CA na ituloy ang paglilitis sa kasong Money Laundering laban sa Shabu tiangge operator na si Amin Imam Boratong at asawa nitong si Memie.
Binaligtad ng CA Special Second Division ang resolusyon ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 at Malolos RTC Branch 83 na nagbasura sa mga kasong money laundering laban sa mag-asawa.
Ayon sa Appellate Court, nagkamali ang mababang hukuman nang pagbigyan nito ang hiling ng mga Boratong.
Masyado pa raw na maaga para magdesisyon ang mga mababang korte para ibasura ang kaso gayong hindi pa nakakapagprisinta ng ebidensya ang Prosekusyon at panig ng depensa.
Kumbinsido ang CA na may sapat na basehan ang Panel of prosecutors para suportahan ang “finding of probable cause” laban sa mga akusado para sa money laundering.
Si Imam Boratong ay una nang hinatulan ng Pasig RTC ng habambuhay na pagkabilanggo noong 2009 dahil sa pagkakaroon ng shabu tiangge sa Pasig.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===