Paglobo ng Covid-19 cases sa Eastern Visayas, itinuturing nang “very alarming”
Muling nanawagan ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa Eastern Visayas sa mga residente na manatili muna sa kanilang mga tahanan at iwasan ang pagkakaroon ng mass gathering.
Ito ay kasunod ng paglobo ng mga kaso ng Covid-19 sa rehiyon na ngayon ay itinuturing nang “very alarming” ng mga health official.
Ayon kay DOH regional director Exuperia Sabalberino, ito ay resulta ng pagiging kampante ng mga residente nitong mga nakalipas na araw.
Ngayong araw ay nakapagtala ang rehiyon ng bagong 572 kaso ng Covid-19, pinakamataas na naitala sa loob lamang ng isang araw mula nang magkaroon ng Pandemya noong nakalipa sna taon.
Ang mga bagong kaso na ito ay kabilang sa 1,855 smaples na sinuri ng 3 testing laboratories sa rehiyon kasama ang Philippine Red Cross testing facility sa Cebu city.
Ang Leyte ang naitalang may pinakamaraming bagong kaso na 163, sumunod ang Northern Samar na 123, Tacloban city-112, 82-Southern Leyte, Samar-44, 15-Eastern Samar at Biliran Province-5.
Dahil dito, ang kabuuang bilang ng kaso ng Covid-19 sa Region 8 ay umakyat na sa 23,338., 2,058 dito ang aktibong kaso.
Mayroon ding 20,948 recoveries at 332 na mga namatay.
Iniuugnay ang paglobo ng kaso sa mga dinaos na ibat-ibang pagtitipon gaya ng reunion, parties at iba pang social gathering.