Paglobo ng kaso ng COVID-19 ngayong election period, pinangangambahan ng economic team ng Malakanyang
Bagamat patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 at unti-unti ng sumisigla ang ekonomiya ng bansa,nagbabala ang economic team ng pamahalaan na muling lumobo ang kaso ng corona virus ngayong election period dahil sa mababang response ng publiko sa booster shot.
Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion masyadong mababa parin ang bilang ng populasyon na nabigyan ng booster shot ng anti COVID-19 vaccine.
Ayon kay Concepcion sa National Capital Region o NCR ay nasa 30 percent pa lamang ng populasyon ang nabigyan ng anti COVID-19 vaccine booster shot at 10 percent sa ibang rehiyon ng bansa.
Inihayag ni Concepcion kailangang umabot sa 70 to 80 percent ng populasyon ang mabigyan ng booster shot ng anti COVID-19 vaccine para masigurong hindi muling dadami ang kaso na magiging sanhi ng panibagong pagbagsak ng ekonomiya.
Niliwanag ni Concepcion hindi malayong mangyari ang pagtaas na naman ng COVID-19 kung hindi pagtutuunan ng pansin ang pagpapabakuna ng booster shot dahil sa presensiya ng Omicron variant ng corona virus na dahilan ng pagdami ng kaso sa ibang bansa.
Vic Somintac