Paglobo ng utang ng Pilipinas bago matapos ang Duterte administration , idinepensa ng DBM
Walang nakikitang masama ang Department of Budget and Management o DBM kung lumaki ang utang ng Pilipinas bago pa bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Laging Handa briefing sa Malakanyang sinabi ni Budget Acting Secretary Tina Rose Canda na walang dapat na ikatakot sa pag- utang lalo na at mayroon namang dahilan.
Ayon kay Canda batid naman ng lahat nang tumama ang COVID -19 sa bansa mahigit 2 taon na ang nakakaraan ay walang isolation facilities habang nagkaroon ng kakulangan sa hospital beds kaya kailangang magtayo ang pamahalaan.
Inihayag ni Canda hindi naman maaaring isakripisyo ng gobyerno ang buhay ng publiko sa panahon ng pananalasa ng pandemya ng COVID-19.
Niliwanag ni Canda ginamit ng pamahalaan ang perang hiniram para sa COVID-19 response kabilang na dito ang pagbili ng anti COVID- 19 vaccine, pagbibigay ng ayuda sa bawat pamilyang nawalan ng pagkakakitaan at trabaho dahil sa ipinatupad na lockdown, pagbibigay tulong sa mga Overseas Filipino Workers o OFW’s na pinauwi sa bansa dahil nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Iginiit ni Canda ng tumama sa bansa ang pandemya ng COVID-19 noong 2020 ay wala sa napagtibay na National Budget ang pondo para tugunan ang worldwide health crisis kaya walang ibang opsiyon ang pamahalaan kundi mangutang.
Vic Somintac