Pagluluwag sa quarantine protocol sa NCR Plus sa Hunyo, posible – Malakanyang
Pinag-aaralan na ngayon ng Inter Agency Task Force o IATF ang pagluluwag pa ng quarantine protocol sa National Capital Region o NCR plus na kinabibilangan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa pagpasok ng buwan ng Hunyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kung pagbabatayan ang developments sa NCR plus na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ with heightened restrictions maaari ng luwagan ang quarantine protocol .
Ito ay dahil bumaba na ang two weeks daily attack rate ng COVID 19 at nasa moderate to low risk narin ang health care capacity response ng medical system ng bansa batay sa data ng Department of Health o DOH.
Ayon kay Roque bago matapos ang Mayo ay i-aanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging community quarantine protocol sa NCR plus.
Inihayag ni Roque kabilang sa mga pagbabago na aasahan sa buwan ng Hunyo sa community quarantine protocols ay ang rekomendasyon ng Metro Manila mayors sa IATF na itaas sa 50 percent capacity mula sa kasalukuyang 30 percent ang religious gathering.
Panatilihin ang 10 PM to 4 AM curfew at magkaroon ng uniform ordinance na magpapataw ng parusa sa mga magbebenta ng slot at anti COVID-19 vaccine dahil ito ay libreng ipinagkakaloob ng gobyerno sa mamamayan.
Niliwanag ni Roque na unti-unti at dahan dahan ang gagawing pagluluwag o adjustment lalo na sa pagbubukas ng ekonomiya habang isinasagawa ang mass vaccination program ng pamahalaan upang hindi masayang ang naging bunga ng pagsasailalim sa NCR plus sa mahigpit na quarantine protocol sa nakalipas na buwan ng Abril at Mayo dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Vic Somintac