Pagnipis ng suplay ng kuryente sa Luzon grid, isa sa dahilan ng pagtataas ng singil sa kuryente ngayong Abril – Meralco
Sa Lunes nakatakdang ipahayag ng Manila Electric Company (Meralco) ang formal announcement para sa pagtataas sa singil sa kuryente ngayong Abril.
Sa panayam ng programang Serbisyo ng Agila kay Meralco Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga, sinabi nito na nakaapekto sa power rates ang pagnipis ng suplay ng kuryente na naging dahilan ng pagsasailalim sa yellow alert status ng Luzon grid.
Maliban dito, bahagyang humina ang halaga ng piso kontra dolyar kaya nagkaroon ng adjustment sa power supply rates sa stock market.
Pero tiniyak naman ni Zaladrriaga na hindi magiging masyadong malaki ang adjustment sa billing.
Kamakailan ay muli na namang inilagay ng National Grid Corporation of the Phils. (NGCP) sa pang-apat na yellow alert ang Luzon grid.
“Kapag nagkakaroon ng yellow alert, medyo nacha-challenge yung rates natin kumbaga tumataas ang demand dahil ilang planta ang nao-offline dahil masyadong mababa ang suplay. Ang consequence talaga pag ganyan, may impact sa pricing at yun ang aantabayanan natin”. – Joe Zaldarriaga, Meralco spokesperson