Pagpabor ng Korte Suprema sa Martial Law inaasahan na ng mga Senador
Inaasahan na ng mga Senador ang desisyon ng Korte Suprema pabor sa deklarasyon ng Martial Law sa buong Mindanao matapos ang pagsalakay ng grupong Maute.
Ayon kay Senador Richard Gordon, kahit ang Korte Suprema kumbinsido na may nagaganap na rebelyon sa Mindanao.
Katunayan aniya ito na nagkakaisa ang lahat ng departamento ng gobyerno para pabagsakin ang mga terorista na patuloy na naghahasik ng karahasan.
Sinabi naman ni Senador Migz Zubiri na dahil sa desisyon ng Korte Suprema, nawala na ang duda sa ongoing military operations laban sa mga terorista.
Umaasa naman si Senador Sonny Angara na makakatulong ang paborableng desisyon ng Supreme Court para mabilis na maresolba ang krisis sa Marawi.
Maari rin aniya itong magsilbing pampalakas sa determinasyon ng mga sundalong nakikipagbakbakan sa Maute group.
Ulat ni: Mean Corvera