Pagpabor ng SC sa Martial Law proclamation ni Pangulong Duterte sa buong Mindanao ikinatuwa ng Malakanyang

Wala ng balakid sa ipinaiiral na Martial Law sa buong Mindanao dahil sa Marawi siege na ginawa ng Maute-ISIS terror group.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella nagsalita na ang Korte Suprema na legal ang basehan ni Pangulong Duterte ng Martial Law sa buong Mindanao sa pamamagitan ng Proclamation 216.

Ayon kay Abella sinumpaang tungkulin ng Pangulo na protektahan ang sambayanan mula sa kamay ng mga terorista.

Inihayag ni Abella dapat ibigay ng publiko ang buong suporta sa pamahalaan dahil ang pagbibigay ng proteksyon sa mga komunidad ay tungkulin ng lahat.

Sa panig naman ni Solicitor General Jose Calida na tumayong abogado ng pamahalaan laban sa mga kontra sa Martial Law sinabi nito  ang desisyong ng Korte Suprema na kumakatig sa Martial Law proclamation ng Pangulo ay magbibigay daan para tuparin ng Presidente ang kanyang pangunahing tungkulin na protektahan ang sambayanan mula sa mga kaaway ng estado.

Umaasa naman si Calida na sa lalong madaling panahon ay matatapos na ang problema sa Marawi City at maibalik na ang kapayapan sa lungsod at sa buong Mindanao.

Ulat ni: Vic Somintac

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *