Pagpapaaresto ni Pangulong Duterte sa mga ayaw magpabakuna may legal na batayan – Malakanyang
Nanindigan ang Malakanyang na may legal na basehan ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaresto at ikulong ang mga ayaw magpabakuna laban sa COVID 19.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo hindi na kailangan ang batas na pagtitibayin ng kongreso para maobliga ang publiko na magpabakuna.
Sinabi ni Panelo na mismong probisyon ng Saligang Batas ang nagbibigay garantiya sa gobyerno na magpatupad ng mahigpit na mga patakaran sa panahon ng emergency para protektahan ang kapakanan ng sambayanan.
Inihayag ni Panelo ang pandemya ng COVID 19 ay isang national health emergency na nagsasapanganib sa kaligtasan ng buhay ng bawat mamamayan at may karapatan ang estado na tugunan ito sa anumang paraan.
Binanggit ni Panelo ang probisyon ng Saligang Batas sa Article 2 Section 4,5 at 15 na nagsasabing tungkulin ng estado na protektahan ang bawat mamamayan kasama ang buhay, kalusugan at pangkalahatan kagalingan.
Iginiit ni Panelo na may desisyon ang Korte Suprema sa kaso ng Imbong versus Ochoa noong April 8, 2014 na ang probisyon ng Konstitusyon na nagbibigay proteksiyon sa buhay at kalusugan ng mamamayan ay hindi na nangangailanngan ng batas na pagtitibayin ng kongreso para ito ay ipatupad.
Ang pahayag ni Panelo ay salungat sa legal opinyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailangan ang batas mula sa kongreso para patawan ng parusa ang sinumang ayaw magpabakuna laban sa COVID 19.
Vic Somintac