Pagpapabakasyon ng mga mahistrado ng Supreme Court kay Chief Justice Sereno, walang bigat sa Impeachment court
Wala umanong epekto sa magiging proseso ng impeachment trial ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang isyu ng pulitika sa pagitan ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Kasunod ito ng desisyon ng 13 Mahistrado ng Korte Suprema na pwersahang pagbakasyunin si Sereno.
Ayon kay Senate Minority leader Franklin Drilon, dedepende ang kaso ni Sereno sa mga ebidensya na ihaharap ng mga kongresista na magsisilbing prosecutor .
Sinabi rin ni Senate President Aquilino Pimentel na walang bigat ang desisyon ng Korte Suprema sa magiging proseso sa impeachment court dahil hindi ito kasama sa impeachable offenses na nakasaad sa saligang batas.
Pagtiyak ni Pimentel, wala silang titingnang kulay-pulitika kundi ibabatay ang hatol sa mga ebidensya.
Malinaw aniya sa mga senador na mapapawalang sala ang sinumang kinasuhan sa impeachment court kung wala namang ebidensya.
Ulat ni Meanne Corvera