Pagpapabakuna ni Biden ng COVID-19 vaccine napanood sa telebisyon
NEWARK, United States (AFP) — Napanood ng live sa telebisyon, ang pagpapabakuna ni US President-elect Joe Biden ng COVID-19 vaccine, para palakasin ang tiwala ng mga mamamayang Amerikano sa naturang bakuna.
Ang 78-anyos na incoming president ng Estados Unidos, ay binigyan ng Pfizer vaccine sa Christiana Hospital sa Newark, Delaware. Una naman sa kaniya na binakunahan ang kaniyang asawang si Jill, ayon sa presidential transition team.
Sinabi ni Biden sa publiko na walang dapat na ipag-alala kapag sila ay nagpabakuna, samantala dapat din muna nilang panatilihin ang pagsusuot ng face masks at makinig sa mga eksperto.
Si Biden at asawa nitong si Jill, ang latest high-profile political figures na kasama sa mga unang nagpabakuna na layuning mapigilan ang isang pandemya, na naging sanhi na ng pagkamatay ng halos 318,000 Americans.
Nitong nakalipas na linggo ay nagpabakuna na sina Vice President Mike Pence at kaniyang asawa, ngunit si President Donald Trump ay hindi pa rin.
Para kay Biden, na pinakamatandang manunungkulan bilang Pangulo ng America simula sa January 20, ang natanggap niya ay first shot pa lamang ng two-stage Pfizer vaccine. At aabangan aniya niya ang follow-up o 2nd shot.
Pinuri rin ni Biden ang mga scientist at mga taong nagkaroon ng papel para maging posible ang pagkakaroon ng COVID-19 vaccine, gaya ng frontline workers, o mga taong syang nagsagawa ng clinical work.
Tinawag pa niya ang medical workers na “amazing and incredible.”
Pinuri rin nya ang Trump administration, na aniya’y dapat ding bigyan ng pagkilala dahil inasikaso nito ang mabilis na development at production ng mga bakuna.
Gayunman, ay nagpaalala si Biden, na matagal na panahon pa bago mabawasan ng kalahati man lang ang pagkalat ng virus. Ang vaccination campaign aniya ay simula pa lamang.
Sa ngayon aniya ay umaasa siya na makikinig ang publiko sa mga eksperto, na ang tinutukoy ay ang pagsusuot pa rin ng face masks ngayong holidays, at kung hindi kailangang bumiyahe ay huwag nang bumiyahe.
© Agence France-Presse