Pagpapakain sa mga dayuhang atleta at pagbibigay ng marangyang accomodation, hindi obligasyon ng Pilipinas
Ipinagtanggol ng mga Senador ang mga organizers ng Sea Games at iginiit na hindi obligasyon ng gobyerno na bigyan ng magarbong pagkain at accomodation ang mga dayuhang atleta at kanilang mga delegado.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, sa kaniyang karanasan noong maging pambato ng Pilipinas sa 10-pin bowling at coach noong 1977, 1979 at 1981 Sea games at World Cup, gumagastos sila para sa kanilang sariling pagkain.
Hindi rin aniya sila pinayagang makapag-practice noon at sa mga dormitoryo lang rin aniya ng mga eskwelahan ang kanilang accomodation pero hindi sila nagreklamo.
Giit ni Sotto, masyado lang hospitable ang Pilipinas kaya ibinibigay ang lahat sa mga dayuhang atleta.
Hinala ni Sotto, nagpapakalat ng maling impormasyon ang mga dayuhang atleta para i-divert ang atensyon ng mga organizers at hindi makapag-focus sa mga atletang Pinoy.
Umapila naman si Senador Juan Miguel Zubiri na tigilan na ang girian at suportahan na lamang ang mga atletang Pinoy.
Hindi aniya makatutulong ang bangayan at lalu lang malalagay sa kahihiyan ang Pilipinas.
Sinabi naman ni Senador Bong Go, nakausap niya si Pangulong Rodrigo Duterte at nangakong gagawaran ng Order of Lapu-Lapu at iba pang insentibo ang mga atletang makakasungkit ng medalya.
Ulat ni Meanne Corvera