Pagpapalabas ng TRO laban sa panukalang water rate hike ng Maynilad at Manila Water, pinamamadali sa Korte Suprema
Pinamamadali na sa Korte Suprema ng isang militanteng grupo ang pagpapalabas ng desisyon sa panukalang water rate hike ng Maynilad at Manila Water.
Sa harap ito ng napipintong dagdag-singil sa tubig ng dalawang water concessionaires sa unang araw ng Hulyo.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenarez, kailangang panigan ng Korte Suprema ang mga consumer at agaran itong magpalabas ng Temporary Restraining Order o T-R-O laban sa dagdag-singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water.
Aniya, ginigisa talaga tayo ng maynilad at manila water sa sarili nating mantika kaya dapat pigilan ang ganitong pagsasamantala sa atin.
Una rito, naghain ng kaso noong august 2015 ang bayan muna ukol sa isyu subalit inaalikabok na ay wala pa ring desisyon ang korte.
Sakali umanong hindi magpalabas ng T-R-O ang Korte Suprema, nasa 99 centavos per cubic meter ang dagdag na bayarin ng mga consumer ng Manila Water o katumbas ng 5 pesos and 21 centavos kada buwan para sa kumokunsumo ng 10 cubic meter pababa; 11 pesos and 55 centavos kada buwan naman sa kumokunsumo ng 20 cubic meter at 23 pesos and 53 centavos kada buwan kung 30 cubic meter ang nagamit na tubig.
Tataas naman ng 6 centavos per cubic meter ang bayarin ng mga consumer ng Maynilad o katumbas ng 23 centavos kada buwan kung ang nagamit na tubig ay nasa 10 cubic meter; 86 centavos kada buwan para sa gumamit ng 20 cubic meter at 1 peso and 75 centavos kada buwan sa 30 cubic meter.
Dahilan ng Manila Water Sewerage System o MWSS, ang pagtaas sa singil sa tubig ay bunsod ng Foreign Currency Differential Adjustment o FCDA na isang mekanismo sa water rate adjustment.
Ulat ni Eden Santos