Pagpapalabas ng ‘Uncharted’ sa mga sinehan sa Pilipinas binawi dahil sa mapa ng South China Sea
Kasunod ng kahilingan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), binawi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang screening ng Sony action movie na “Uncharted” sa mga sinehan sa Pilipinas.
Sinabi ng DFA na pinagbigyan ng MTRCB ang kanilang kahilingan na ire-evaluate at i-pull out ang pelikulang pinagbibidahan ni Tom Holland.
Banggit ang isang eksena na nagpapakita sa nine-dash map na ilegal na inaangkin ng China sa South China Sea, sinabi ng DFA na ang eksena ay salungat sa interes ng bansa.
Ayon sa DFA . . . “In its response to the DFA, MTRCB stated that it had ‘ordered Columbia Pictures Industries Inc. to cease and desist from exhibiting the said motion picture, unless and until they are able to remove the objectionable scenes.”
Tumugon naman ang Columbia sa atas at ipinull out na ang pelikula sa mga sinehan ayon sa MTRCB.
Binigyang-diin ng DFA na ang nine-dash line claim ng Beijing sa South China Sea, na bahagi nito ang West Philippine Sea, ay naayos na sa pamamagitan ng July 2016 arbitral award ng UNCLOS-backed tribunal.
Ipinasya ng international tribunal na invalid ang inaagking nine-dash line ng China.
Ayon pa sa DFA . . . “The Arbitral Tribunal held that China’s nine-dash line has no legal basis as its accession to UNCLOS has extinguished any of its rights that it may have had in the maritime areas in the South China Sea. China also never had historic rights in the waters within the nine-dash line.”
Noong 2019, hiniling din ng DFA sa MTRCB na i-pull out ang DreamWorks animated movie na “Abominable” dahil sa isang eksena na nagpapakita sa nine-dash line ng China.
Bago ang pag-pull out, nanawagan si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. na i-boycott ang at i-ban ang “Abominable” sa Pilipinas.
Pagkatapos ay sinabi ni Locsin na ang “offending scene” ay dapat na putulin “to show our displeasure better than if we unconstitutionally ban it as some suggest. “
Noong Nobyembre 2021, nagreklamo rin ang DFA laban sa Australian political drama na “Pine Gap” para sa paglalarawan nito sa nine-dash line ng China.
Simula noon ay ipinull out na ng Netflix ang dalawang episodes ng naturang drama kasunod ng isang desisyon mula sa MTRCB na ang ilang bahagi nito ay “unfit for public exhibition.”