Pagpapalakas sa alyansa ng Pilipinas at US, tinalakay sa pagkikita nina Defense Sec. Delfin Lorenzana at US Secretary of Defense Lloyd Austin III
Nagpulong sa Pentagon sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at US Secretary of Defense Lloyd Austin III bilang bahagi ng komemorasyon sa ika-70 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa.
Sa statement na inilabas ng US Department of Defense, sinabi na tinalakay sa pagkikita ng dalawang opisyal ang lalong pagpapalakas at pagpapaigting sa mahalagang alyansa ng Amerika at Pilipinas.
Muli ring tiniyak ni Austin kay Lorenzana na “ironclad” ang committment ng US sa seguridad ng Pilipinas.
Sinabi rin ni Austin na ang tratado ng US at Pilipinas ay sakop ang sandatahang lakas, public vessels, at aircraft sa South China Sea o West Philippine Sea.
Napagusapan din sa pulong ng dalawa ang importansya ng pagpapaigting sa military at security cooperation para suportahan ang defense modernization ng Pilipinas at pagtataguyod ng alliance interoperability.
Nagkasundo rin ang dalawang defense secretaries sa pagsasagawa ng ilang bagong inisyatiba para matiyak na ang alyansa ng Pilipinas at US ay makatugon sa mga bagong hamon.
Isa na rito ang pagpapatuloy ng infrastructure improvement projects sa mga agreed locations sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Moira Encina