Pagpapalawig ng deadline ng DOTR para sa jeepney phase out tinawag na pampapogi ng ilang Senador
Tinawag na pampapogi ni Senador Grace Poe ang desisyon ng Department of Transportation na ipagpaliban ang deadline ng pagphase out sa mga lansangan ng mga traditional jeepney.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinermunan ng mga Senador ang mga opisyal ng LTFRB.
Ipinagpaliban raw ang deadline para dito hindi para bigyan ng pagkakataon ang mga kawawang tsuper at operators kundi dahil hindi pa talaga handa ang DOTR sa isinusulong nitong jeepney modernization.
Kuwestiyon ni Poe, bakit ito nagtatakda ng deadline gayong ang gobyerno mismo hindi pa handa para dito.
Inamin naman ng DOTR na nahihirapan silang ipatupad ang modernization dahil sa dami ng problema.
Pangunahin na raw ang mga local government units na ayaw tumulong para sa rationalization ng mga ruta.
Nangako sa Senado ang DOTR na hindi tuluyang ipe-phase out ang mga traditional na jeep na hindi makatutugon sa franchise consolidation na una nang itinakda ng LTFRB.
Ang June 30 ay una nang pinalawig ng DOTR hanggang December 31 ng taong ito matapos magbanta ng malawakang kilos protesta ang mga tsuper at operator.
Ito na ang ika-anim na beses na pinalawig ng DOTR ang franchise consolidation.
Meanne Corvera