Pagpapalawig ng ECQ sa NCR , ipinahiwatig ng Malakanyang
Inihayag ng Malakanyang na posibleng palawigin pa ang umiiral na Enhanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region o NCR.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hihintayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang evaluation report ng Inter Agency Task Force o IATF kaugnay ng pagpapatupad ng ECQ sa NCR mula August 6 hanggang August 20.
Ayon kay Roque lahat ng rekomendasyon ng IATF para sa reclassification ng pagpapatupad ng community quarantine ay nakabatay sa scientific evaluation ng mga health expert ng bansa.
Inihayag ni Roque na sa kabila ng umiiral na ECQ sa Metro Manila ay patuloy paring tumataas ang kaso ng COVID-19 na pinaniniwalaang dulot ito ng Delta variant.
Niliwanag ni Roque ang pagpapatupad ng ECQ sa NCR ay naglalayong kontrolin ang ibayong paglobo ng kaso ng COVID -19 upang hindi malagay sa kritikal na kondisyon ang health care capacity ng bansa.
Aminado si Roque na sa kabila ng mahigpit na community quarantine ay patuloy na dumarami ang tinatamaan ng COVID-19 kaya unti-unti na namang napupuno ang mga hospital sa Metro Manila.
Kaugnay nito muling umapela ang Malakanyang sa publiko na kung hindi kailangan ay huwag munang lumabas ng bahay at mahigpit na sundin ang minimum health standard na pagsusuot ng facemask, faceshield, palagiang paghuhugas ng kamay, social distancing at magpabakuna upang maagapan ang pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac