Pagpapalawig ng implementasyon ng MECQ sa Zamboanga city, pinaburan ng Health sector
Pinaburan ng Department of Health- Region 9 (DOH-9) ang pagpapalawig ng implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine sa Zamboanga city hanggang May 31, 2021.
Sinabi ni DOH-9 Regional Director Josh Brillantes na malaking tulong ito sa Health sector upang mabawasan pa ang mga kaso ng Covid-19 sa lunsod.
Sa pinakahuling datos, pumalo na sa mahigit 2,000 ang aktibong kaso ng virus infection sa lunsod at nasa critical level na ang kapasidad ng mga pagamutan doon.
Puno na rin aniya ang mga Isolation at Quarantine facilities sa lunsod at hindi na sumasapat sa mga bagong tinatamaan ng virus.
Kumpiyansa si Brillantes na mapapababa ang kaso ng Covid-19 sa pamamagitan ng MECQ extension upang malimitahan din ang paglabas ng mga residente at non-essential travel.
Kailangan aniya ang buong suporta ng mga mamamayan kabilang na ang pagsunod sa mga minimum health protocol.