Pagpapalawig sa travel ban ng PHL sa 33 bansa, UAE dahil sa UK variant ng COVID-19, inirekomenda ng IATF
Hiniling na ng Inter Agency Task Force o IATF kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang pagpapatupad ng travel ban sa 33 bansa na may kumpirmadong kaso ng United Kingdom variant ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na inirekomenda na rin ng Department of Health (DOH) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pangulo na isama na rin ang United Arab Emirates (UAE) sa travel ban.
Ang UAE ang pinagmulang bansa ng 29 anyos na Pinoy na taga Kamuning, Quezon City na nakumpirmang may taglay na UK variant ng COVID 19.
Ayon kay Roque tiyak na palalawigin pa ng Pangulo ang travel ban na magpapaso na sa Biyernes, January 15 sa mga bansang may kaso ng UK variant ng COVID-19 para makontrol ito at hindi na kumalat pa sa bansa.
Inihayag ni Roque , pag-aaralan pa ng IATF kung magpapatupad ng mas mahigpit pang quarantine protocol matapos na makapasok sa bansa ang United Kingdom variant ng COVID 19.
Niliwanag ni Roque na pagbabatayan ng IATF ang 2 week attack rate ng COVID 19 at ang critical health care capacity ng mga ospital bago magrekomenda ng panibagong quarantine protocol sa bansa.
Vic Somintac