Pagpapalaya ng Bucor sa mga sumukog preso na hindi na napalaya dahil sa GCTA, posibleng simulan ngayong araw- DOJ
Posibleng simulan na ngayong araw ang pagpapalaya sa mga sumukong bilanggo na hindi naman maagang nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ayon kay Justice undersecretary at spokesperson Markk Perete, inaasahan nilang mapapalaya na ngayong Miyerkules ang unang tranch ng mga surrenderers na hindi naman kasama sa listahan ng mga heinous crime convicts na maagang nakalaya dahil sa maling aplikasyon ng expanded GCTA.
Plano aniya nila na palayain in-tranches ang mga preso.
Sinabi ni Perete na may listahan na ang Bucor ng mga nakatakdang palayain na PDLS.
Ang mga palalayaing PDLS ay ang naabsuwelto ng Korte, na-commute ang sentensya at nabigyan ng pardon o parole.
Patuloy aniyang sinusuyod ng Oversight Committee on Corrections ang mga prison records at carpetas para matukoy na kung sinu-sinong PDLS ang makasama sa listahan na hindi dapat makinabang sa GCTA.
Noong Martes aniya ay umabot na sa may 100 records ang nabusisi ng oversight committee.
Ulat ni Moira Encina