Pagpapalit ng administrasyon makakatulong daw para masolusyunan ang problema sa mahinang COVID-19 response ng gobyerno
Naniniwala si 1Sambayan Convenor Neri Colmenares na makakatulong na masolusyunan ang problema sa mahinang pagtugon sa COVID- 19 pandemic kung mababago na ang administrasyon at hindi na namamayagpag ang mga Duterte.
Giit ni Colmenares, nakita naman ng publiko ang naging COVID response ng kasalukuyang administrasyon na maraming kapalpakan gaya ng bilyong pisong overpriced pandemic deals na iniimbestigahan ngayon ng Senado at ang paglutang ng kuwestiyunableng kontrata kung saan sangkot ang malapit na kaibigan ni Pangulong Duterte na si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Si Yang ang sinasabing nagpakilala kay Pangulong Duterte sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals na nakakuha ng P8.6-B kontrata para bumili ng medical supplies noong 2020 gayong may ilang buwan pa lamang nag-ooperate at may capital lang na P625,000.
Ayon kay Colmenares, kung si Davao City Mayor Sara Duterte ang susunod na Pangulo ay tiyak na ipagpapatuloy lang nito ang mga naging gawain ng ama nito.
Si Mayor Sara ay napuna rin dahil sa hindi umano maayos na COVID response sa Davao City.
Sinabi ni Colmenares na hindi na dapat magpadala ang publiko sa pangako ng mga Duterte.
Minaliit din ng 1Sambayan ang pahayag ni Pangulong Duterte na walang mananalong oposisyon sa 2022 elections.
Giit ni Colmenares, kapag milyong botante na ang nagsalita mahirap itong dayain.
Madelyn Moratillo