Pagpapapasok ng mga bisita at iba pang resource person sa Senado mas hinigpitan
Hihigpitan pa ng Senado ang patakaran sa pagpapapasok ng mga bisita sa gusali ng Senado.
Ito’y matapos magpositibo sa Covid-19 sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Tesda Director Isidro Lapeña na kapwa dumalo sa deliberasyon ng panukalang budget noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mahigpit naman ang kanilang patakaran sa Senado mula nang magkaroon ng Pandemya.
Katunayan, ang lahat ng pumapasok sa gusali at iniimbitahang resource person sa mga pagdinig ay pinagsusumite nila ng RT-PCR test/Antigen result, dalawa o tatlong araw bago magtungo sa Senado.
Pero aminado si Sotto na ilan sa kanila ay resulta lang ng Rapid test ang isinumite sa Senado dahil gahol na sa panahon para sa budget hearing.
Bagaman hindi pa kumpirmado kung sa loob ng Senado nahawa ng virus sina Dela Rosa at Lapeña, magpapatupad aniya sila ng dagdag na health protocol.
Maliban sa mas madalas na disinfection, mahigpit ring ipagbabawal ang pagtatanggal ng facemask habang nasa loob ng gusali ng Senado.
Noong Miyerkules sa video ng Senado ay nakita ang pakikipag-usap ni Dela Rosa kina Lapeña at Senador Joel Villanueva at paminsan-minsan itong nagtatanggal ng face mask habang nakikipag-fist bomb sa ilang bisita at naglalakad sa plenaryo.
Meanne Corvera