Pagpapaputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon, bawal sa Pasay City
Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Pasay City ang total ban sa paggamit ng fireworks at ng iba pang paputok sa buong lungsod sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa ilalim ng Executive Order na pirmado ni Mayor Imelda Calixto- Rubiano, sinabi na layon ng pagbabawal na mabawasan ang bilang ng mga injuries o casualties sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Alinsunod anya ito sa kautusan ni Pangulong Duterte kaugnay sa pagkontrol sa paggamit ng paputok at sa resolusyon ng NCR Regional Peace and Order Council na nagrerekomenda ng firecracker ban.
Nakasaad sa executive order na hindi rin magiisyu ang Pasay City LGU ng special permit para sa fireworks display sa lungsod.
Inatasan naman ang lokal na pulisya, mga barangay officials at tanod, Pasay Public Order and Safety Unit, at Pasay City Environment and Natural Environment Office na mahigpit na ipatupad ang fireworks ban.
Ang sinomang lalabag ay maaaring arestuhin at sampahan ng kaukulang reklamo.
Moira Encina