Pagpaparehistro sa pagpasok sa kasunduan para sa prangkisa ng MSMEs, ipinag-utos ni PRRD
Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan na nag-aatas na kailangang iparehistro na ang mga kasunduan para sa pagkuha ng prangkisa ng mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.
Sa inilabas na Executive Order No. 169 binibigyang-diin na ang hakbang na ito ay para sa pagpapalakas ng franchising industry na naglalayong bigyang proteksyon ang mga maliliit na negosyante.
Nakasaad sa kautusan ang paglikha ng franchise registry kung saan ipare-rehistro ang kasunduan ng prangkisa.
Kabilang sa ipare-rehistro ay ang pangalan at description ng produkto o serbisyo sa ilalim ng prangkisa, ano ang mga karapatang ibinibigay sa mga MSME’s franchisee, magkano ang franchise fee, promotion fee, royalty fee o ano pang katulad na bayarin na maaaring ipataw.
Kailangan ding nakasulat ang lahat ng franchise agreements na pinasok ng magkabilang panig at dapat notarized.
Batay sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 68% ng mga negosyo sa Pilipinas na nasa kategoryang MSME ay pasok sa franchising.
Vic Somintac