Pagpapasinaya sa mga proyekto at ika-335 anibersaryo ng Ilagan City sabay na isinagawa
Kasabay ng paggunita sa ika-335 araw ng Ilagan City sa Isabela, ay pinasinayaan din ang mga proyekto ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Josemarie Diaz, kasama ang iba pang mga opisyal ng siyudad.
Isinagawa ang groundbreaking ceremony sa itatayong evacuation center ng syudad, at kasabay nito ay pinasinayaan din ang bagong ayos na flag pole ng city hall at ang pagpapasinaya sa mga health center, day care center, covered court sa Brgy. Mangcuram, Gayong Gayong Norte, Gayong Gayong Sur, at ang mga katatapos na farm to market road sa Brgy. Carikkikan at Brgy. Siffu.
Namahagi rin ng livelihood assistance sa tobacco farmers at rice seeds sa mga magsasaka sa lugar.
Sa mensahe ni Mayor Jay Diaz, binigyan niya ng mataas na pagkilala ang mga bayani ng lungsod, na naging daan para matamasa ng kasalukuyang henerasyon ang payapa at maunlad na pamayanan.
Hinikayat ng punong lungsod ang lahat ng Ilagueño, na manatiling nagkakaisa laluna sa kasalukuyang panahon na nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Tiniyak din ng lokal na pamahalaan na hindi maiiwan ang iba pang aspeto ng buhay, gaya ng mga proyektong pang-imprastraktura upang mabalanse ang usaping pangkalusugan at pang ekonomiya.
Ulat ni Erwin Temperante