Pagpapasok ng pork products sa Camiguin, ipinagbawal matapos makumpirma ang mga kaso ng ASF
Nagpatupad ng temporary ban ang Pamahalaang Panglalawigan ng Camiguin para sa pagpapasok ng mga karneng baboy at pork products mula sa labas ng isla.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture-Northern Mindanao (DA-10) ang mga kaso ng African swine fever (ASF).
Nagpalabas rin ng anunsyo si Governor Xavier Jesus Romualdo na nagbabawal sa mga hog raiser na magsagawa ng swill feeding, food scraps feeding sa halip ay gawin ang nararapat na biosecurity measures.
Sa advisory na nilagdaan ni DA-10 Executive Director Carlene Collado, nakatakdang isailalim sa laboratory tests ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL-10) ang mga isinumiteng blood specimen ng Provincial Veterinary Office (PVO).
Hunyo 22 nang magsagawa ng initial disease outbreak investigation ang PVO kasunod ng natanggap na ulat na 14 na baboy ang namatay sa Pandan, Mambajao.
Hunyo 30, walo sa 18 blood samples na ipinadala sa RADDL ang nagpositibo sa ASF.
Dahil dito, ipinagbawal ang pagtransport ng mga baboy sa labas ng Pandan kasunod ng pag-depopulate sa mga infected premises at lahat ng backyard pig farms sa loob ng 500 meters ng mga infected na lugar.
Hinimok ni Romualdo ang mga hog raiser sa lalawigan na wala pang nadetect na kaso ng ASF na kumuha ng insurance mula sa Philippine Crop Insurance Corporation.
Pinaalalahanan din ng DA ang publiko na ang pagkatay ng mga baboy sa labas ng municipal slaughterhouse ay isang criminal offense sa ilalim ng Republic Act 9296 o ang Meat Inspection Code of the Philippines.
Sa ilalim ng nasabing batas, mahaharap din sa kasong kriminal ang mga nagbebenta, nagbibiyahe at nag-aalok o mga tumatanggap para magbenta ng mga illegally slaughtered pork.