Pagpapataw ng buwis sa Vape, hindi pa iuurong ng Senado
Wala pang balak ang Senado na iurong at itigil ang pagtalakay sa isinusulong na panukalang batas na patawan ng dagdag na buwis ang e-cigarettes gaya ng vape sa ilalim ng Sin Tax Bill.
Ayon kay Senador Pia Cayetano, chairman ng Senate Committee on ways and Means, ito’y hanggat walang ipinalalabas na Executive Order ang Pangulo hinggil dito.
Taliwas kasi ito sa ipinadalang certification ng Malacañang sa Senado na nag-aatas na paspasan ang pagtalakay sa Sin Tax bill.
Nauna rito iniutos ng Pangulo ang pag-ban sa importasyon ng mga e -cigarettes gaya ng vape at ban sa paggamit nito sa mga pampublikong lugar dahil sa banta sa kalusugan.
Aminado naman si Cayetano na kailangan na ang tuluyang pag-ban sa mga e-cigarettes dahil mismong ang mga nasa industriya ng e-cigarette ay nagmamatigas sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso laban sa Department of Health at Food and Drugs Administration (FDA).
May mga bansa na aniyang nagpatupad ng ganitong ban tulad ng Australia, Singapore at Brazil.
Ulat ni Meanne Corvera